Matagal-tagal din akong nanahimik pagkatapos ng mga nangyari. Kung iisipin nga eh ‘di dapat ako nagdamdam. Wala din naman kase akong naging kasalanan. Kaso iba yung pakiramdam na akala mo’y tinalikuran ka na ng buong mundo. Hindi maipaliwanag. Pakiramdam ko nailibing kalahati ng katawan ko. Hindi ako makapag-isip. Hindi ako nakapagtrabaho ng maayos. Namatay ang siglang dati’y abot-kamay ko na.
Ganun pa man, kailangan kong ipagpatuloy ang aking buhay. ‘Di din naman kase nagtatapos dun ang lahat.
Namasukan ako bilang isang waiter sa isang fastfood chain sa Iloilo, naging stand-up comedian, naging singer, naging emcee pa nga. Kahit pagko-call center ay napasok ko na din. Magbenta ng karneng baboy, paminsan-minsan eh tapa. Parang lahat na nga ng uri ng trabaho eh napasukan ko na. Kulang na nga lang mag-janitor ako. Kahit patimpalak sa kantahan ay ‘di ko inurungan. Desperado nga talaga. Nakakatawa ano? Kahit ako nga eh hindi ko lubos maisip na napagdaanan ko ang lahat ng ‘yon. Ang dami ngang kinita, kaso hindi din naman ako naging masaya. May hinahanap ang pagkatao ko na hindi ko batid kung ano. Parang may mali. Parang may kulang.
Ika-17 ng Mayo 2004, malakas na malakas ang ulan. Nasa isang videoke bar ako n’on. Dun ako madalas magtambay ‘pag walang ginagawa, ‘pag day-off, walang magawa, ‘pag may problema o kahit maglasing ng walang kadahilanan. Mag-aalas nuwebe na ng gabi. Naisipang kong umuwi kahit ganun kasama ang panahon. Malapit na nasa ako sa bahay nung natauhan akong wala sa bulsa ko ang cellphone ko (Kase naman, naglalasing ni hindi na maaalala kung s’an pinag-iiwanan ang mga gamit). Kaya naisipan kong bumalik.
Pumasok ako sa bar na basing-basa. Basa na parang binuhusan ng isang batyang tubig. ‘Di ko na pinansin ang mga taong nakatutok sa akin. “Mas mahalaga ang telepono’t sim card ko kung iisipin,” sabi ko sa aking sarili. Ayon, buti na lang itinago ng waiter. Lumakas lalo ang ulan. Tsk. Tsk. Wala akong nagawa, nanatili ako dun hanggang sa natuyo na ang damit ko.
Ilang oras pa ang lumipas, dumating ang isa sa mga kaibigan ko. Ewan kung sa may anong uri ng hanging ang nagdala sa kanya para mapadpad sa bar na yaon. Mekasamang iba. Hindi ko pinansin nung una. Pakialam ko (Taray! Bella Flores in the making ang drama ng lola mo!). Kaso lumapit sa’kin ta’s may itinuturo. Kumakanta pa ako n’on. Pakiramdam ko akin ang entablado (Tanga! Pakiramdam mo lang yun!). Sabay bulong sa tenga ko, “May ipapakilala ako sa’yo.” Eh naku, ako naman tong si Ms. Gaga sumagot, “sige, tatapusin ko lang ‘to.”
Ang hilig ko sa mga old time favorites pagdating sa musika. Kahit Luciano Pavarotti eh papatulan pa. Sabi nga ng mga kapatid ko ang weird ko raw. Kase naman, kapag hindi lumang tugtugin ang pinapakinggan, Josh Groban naman ang tinitira. Ewan. Basta ganun ako.
“Mico, si _______ nga pala,” sabay ngiti’t nakipagkamayan.
‘Di ko binigyan ng pansin nung una. Hindi ko pinuna. “Isang isdang mula din sa malawak na karagatan,” ika ko sa aking sarili. Isang nilalang na hind ko inakalang magiging malaking bahagi ng buhay ko.
itutuloy...
6 comments:
After reading this particular entry, I'm confident you can be a good creative writer. Itutuloy? I'm craving for more...:)
@jake: hahaha! salamat sa papuri. ako'y isang nilalang na nagsusulat kung ano'ng nasa isip at puso ko. musikero lang po ako. :)
utang na loob, mico, tapusin mo na ito. hindi na ako makapaghintay. :)
@flinch: ok lang yan... hehehe! bitin effect... cge tatapusin ko na...
itot tuloy?
Hehehehe! Joke!
@lyka: ITOT tuloy nga talaga... hahaha!
Post a Comment