Magkasabay kaming umuwi noong gabing iyon. Ang dami naming napag-usapan. Yung parang wala nang bukas. Yung parang amin ang mundo. Pagdating ko ng bahay, humiga ako sa aking kama na yakap-yakap ang unan. Halong lungkot at saya ang naramdaman ko. Pero inaamin ko, nag-aalala pa din ako.
“Kailangan ba talaga niyang umalis? Ba’t ganun? Ang dami pang kailangang makita, ang dami pang dapat malaman pero ang iksi ng panahon. Ganun ba talaga dapat?” Napatulo ang luha ko.
Bukas kinaumagahan, araw ng kanyang pag-alis, nakatanggap ako ng isang mensahe sa aking celfon.
“Libre ka ba mamayang gabi? Dinner tayo.”
“Salamat at hindi natuloy ang pag-alis niya.” Masayang-masaya ako. Napatalon sa saya ang puso ko.
“O sige. ‘San ba tayo magkikita? Ano bang meron at may pa-dinner dinner ka pang nalalaman?”
“Dun pa din. Sa pinupuntahan natin. Alas-siete ha? H’wag na h’wag kang makakalimot. Okey? Basta. Punta ka ha? Aantayin kita.”
Buong araw kong inihinanda ang sarili ko. Laking pasasalamat ko’t hindi natuloy ang pag-alis niya.
Pasado alas-siete na ako dumating. Imbes pagkagalak, kaba ang aking nadarama. Hindi ko mawari kung bakit. Nabalot ang isip ko ng pag-aalinlangan. Parang may mali. Parang hindi tama. Despedida party pala. Isang maling akala.
Andun ang lahat – ang kanyang pamilya, mga kaklase noon kolehiyo, barkada at ilang kaibigan. Sa isang saglit, umiba ang anyo ng lahat. Para akong nasa isang malawak na karagatan na puno ng mga nilalang na hindi ako pamilyar. Mga bagong mukha. Pakiramdam ko’y nag-iisa ako. Ang daming panauhin. Halos lahat propesyonal na – may trabaho, may pamilya, may anak. Samantalang ako, isang hamak na musikerong nagmumukmok sa isang sulok. Nanliliit ako.
Sa mga oras na iyon, ibang-iba siya. Hindi ko na siya kilala. Hindi na siya ang dating isdang nakilala ko, isdang napamahal na sa akin. Yung parang walang pagmamalasakit. O baka sakim lang talaga ako – iniisip lang ang aking nararamdaman? Lumapit siya sa akin. “Okey ka lang ba diyan? Kuha ka lang ng gusto mo ha? Doon muna ako sa kabilang mesa.” Sabay ngiti. Kakaiba ang aura niya noong gabing iyon – yung klase ng aura na pakiramdam mo wala kang halaga. Nanliliit ako – maliit na kahit isang hamak ng butil ng bigas ay mas malaki pa sa akin. Hindi ko kinaya kaya naisipan kong bumaba. Mabuti na lang at nandoon ang isa sa mga kaibigan namin. Kumuha ako ng isang bote ng beer sabay sindi sa sigarilyong hawak-hawak ko.
“Ba’t siya ganoon? Hindi naman siya dating ganyan, hindi ba?” naitanong ko sa aking kaibigan.
“Ha?! Ano?! Sino?!” napataas ang kilay ng kaibigan ko.
“Wala. Baka ganoon lang talaga.” Isang malaking buntong-hininga kasabay ang pagbuga ng usok mula sa hinihithit kong sigarilyo.
Hindi na ako bumalik sa taas. Nagsasaya kase silang lahat. Ayoko ng ganun. Weird ano? Aalis na din lang ang tao, naisipan pang mag-party. Tsk. Tsk. Ewan ko ba. Hanggang ngayon ay hindi ko pa din lubos maintindihan ang mga bagay na kagaya neto.
Mag-iisang oras na yata ako sa baba noong namalayan niyang wala na ako dun. Nagpapakalunod ako sa lungkot at galit na nararamdaman ko. Nagmukha ng tambutso ang bunganga ko sa kakahithit ng sigarilyo. Ilang bote na din ang naubos ko. Medyo lasing na. Tahimik akong nakaupo sa isang sulok. Makitid na ang utak. Nakatunga-nga. Nang biglang, “My feelings are for you. And that is for sure. I hope you’d understand that my family doesn’t know.”
Naka-ukit yan sa utak ko magpahanggang sa ngayon. Hindi ko nga din alam kung naaalala pa niya ang lahat ng sinabi niya sa akin. Lahat ng nangyari. Lahat.
“Naiintindihan ko. Wala naman ako sa posesyon para magramdam nang ganito, hindi ba?”
Hit-hit pa din ako ng sigarilyo sabay lunok sa usok nitong nilason ng lalo ang makitid kong utak. Damang-dama ko ang pagkakadiin ng mapurol na kutsilo sa puso ko. Masakit. Nakamamatay.
“Sino ba naman ako para bigyan niya ng halaga?” buntong-hininga. Ewan. Puno na siguro ng usok ang utak ko. Nakalutang ang lahat sa ere – ang isip ko, ang puso ko, ang pagkatao ko.
Umuwi akong mag-isa. Hindi ko na hinintay na matapos ang party. Ika-28 ng Mayo, huling pagkakataong nasilayan ko ang maamo niyang mukha. Huling araw na nakita ko siyang ngumiti’t masaya. Huling araw na nahawakan ko ang kanyang kamay – kamay na alam kong hindi magiging akin. Iyon na ang huli naming pagkikita.
“Para saan pa? Para ano? Walang dahilan para mag-saya.”
Hindi ko napigilang mapa-iyak. Para akong isang sanggol na naghahanap ng kalinga ng aking ina. Bawat patak ng luha ko’y kasabay ang mga naglahong mithiin. Kasabay sa ihip ng hangin, inagos ng malalaking alon ang kastilyong gawa sa buhangin. Hindi naging madali para sa akin ang lahat. Sabay bunot sa kutsilyo sa malalim na pagkakabaon nito sa puso ko. Kinailangan kong magsimulang muli.
“Kararating ko lang ng Hong Kong. Pakabait ka ha? Ingat ka palagi!” huling mensaheng natanggap ko mula sa kanya sa aking celfon.
Hindi ko na napigilan ang pag-alis niya.
Wala na akong magagawa.
Wala na akong nagawa.
Wala na.
Wala.
P.S. Lahat ng ito’y hango sa kwento ng aking buhay. Sa lahat ng nagtanong, nagtatanong at magtatanong pa, opo, nangyari ang lahat ng ito. Ito’y hindi likha ng aking imahinasyon o kathang-isip lamang. Ang isda ay nasa Amerika pa din sa kasalukuyan. Magtatatlong taon na din po kaming hindi personal na nagkita.
Masaya ako at inyong sinubaybayan ang makulay at marupok na kwento ng isang katulad ko. Ikinagagalak ko po na kahit sa pamamagitan ng aking mga inilathala sa blog na ito, ay nagkani-ig tayo.
At sa’yo, Isda, kagaya ng sinabi ko noong isang araw, inaamin kong binawasan ko ang ibang bahagi ng kwento sa kadahilangan may mga bagay na kinakailangan itago sa mundo. Isang bagay lang din ang ipinapangako ko, at buong-puso kong ipinapangako, hinding-hindi ko dinagdagan ang kwento sa kapakanan ng aking blog at sa mga taga-subaybay nito.
Naka-ukit na sa aking puso’t isipang ang lahat ng nangyari apat na taon na ang nakalipas. Mas maliwanag pa ito sa sikat ng haring araw. Mas malinaw pa sa mala-krystal na tubig ng malawak na batis. Sapat na ang malaman mo ang lahat ng aking naramdaman noong panahong iyon at mga nararamdaman ko sa kasalukuyan. Maraming salamat at pinuno mo ng kulay ang buhay ng isang malungkot na nilalangang na kagaya ko. Mahal pa din kita’t nangungulila ako sa iyo.
-Mikee