Custom Search

Thursday, August 5, 2010

TexT ni XanDeR

'Yon ang unang pagkakataong nasabi kong mahal ko si Xander. Hindi nya sukat-akalaing totohanan ang sa akin. Buti na nga lang at nandun din si Fatima nung mga araw na 'yon. Ganun pa man, may kabiguan ang aking nararamdaman.

"Kailangan kong ilihis ang aking nararamdaman sa mga bagay na mas kinakailangan ang panahon at atensyon ko," pakonswelo de bobo ko sa aking sarili.

Hanggang ligaw-tingin, halik sa hangin na lang ako - pasulyap-sulyap na lang sa maamong mukha ni Xander at naghahangad na mahalin siya.

"Ang bobo ko," sabay sapok sa aking noo. "Buti na lang umiba bigla ang usapan. Punyeta! Nakakahiya."

Hindi ko na muna pinansin ang aking damdamin sa takot na masaktan. Pilit kong ibinaon sa limot ang lahat ng nasabi ko kay Xander noong araw na 'yon. Parang nakaka-ilang. Nakakahiya. Pilit man itong pumiglas, dapat itong supilin.

Papatapos na ang semester at mas naging malapit kaming tatlo sa isa't-isa. Hindi maiiwasang magtampuha't mag-away. Nakakatuwang isipin, parang mga batang nasa elementarya lang kami 'pag kami ay nagtatampuhan. Ang mas maganda lang, mas nikikilala namin ang aming mga sarili at hindi namin hinahayaang matapos ang araw na hindi nagkakabati. Kung nagkakaroon ng problema, palagi kaming nagtutulong-tulong upang malutas ang aming suliranin.

"Finals na sa susunod na linggo," bakat sa mukha ni Fatima ang pag-aalala sabay kamot sa kanyang ulo.
"Oh, ba't kamot-ulo ka? May problema ba?" pangiting tanong ni Xander kay Fatima.
"Naku, nag-aalala 'yan dahil finals na eh hanggan ngayon eh 'di pa din niya natatapos 'yung term paper niya sa Pol Sci," ang tanging naisagot ko.
"Ah ganun ba? Naku madali lang 'yon. Andito naman kami ah, di ba Mico?" akbay sa aking balikat.
"Ah, eh, oo naman Fatima. Tutulungan ka namin," mangaligkig kong sagot.
"Salamat ha. 'Yaan n'yo, ili-libre ko na lang kayo ng isang galong sorbetes. Ok na ba 'yon?" nakayuko pa din si Fatima, kamot-ulo ang loka.
"Oh siya, kita na lang tayo mamaya sa apartment. Fatima, yung sorbetes ha?"

Tumakbo si Fatima pauwi sa bahay nila para kunin ang kanyang mga gamit. At siguro, para bumili na rin ng sorbetes na ipinangako niya.

"Oh tara na buddy, sabay ka na sa akin sa apartment," sabay ngiti't pisil sa aking pisngi.
"Shit! Ba't nya ginawa 'yon?!" napaisip ako. "Wala akong dalang damit pangtulog eh. Uwi na muna ako sa amin para makapagpaalam na din ako kay nanay."
"Ah ganun ba? Oh siya, sige buddy, ingat ka. Hatid na kita?"
"Ay naku buddy, huwag na. Baka makita mo pa ang bahay namin na parang tirahan ng kuwago."
"Ikaw ang bahala. Ingat ka buddy!"
"Sige. Kita na lang tayo sa inyo. Text kita 'pag papunta na ako."

Mag-isa akong naglakad pauwi noong hapong iyon. Naging malaking palaisipan para sa akin ang ginawang pagkurot ni Xander sa aking pisngi. O baka naman malisyoso lang talaga ako. Bahala na.

"Nay, andito na po 'ko." papasok na ako ng bahay ng biglang tumunog ang celfon ko.

"Ingat ka buddy ha? Mahal din kita!" text ni Xander.


itutuloy...

3 comments:

Fickle Cattle said...

Nakakakilig. College love nga naman. :-)

http://ficklecattle.blogspot.com/

iprovoked said...

waah, high school ko last naramdaman yang ganyang feeling at subra nakakakilig! Haayst, love is a many splendor thing! char! :]

Angelo Dayang said...

can't wait the continuation... hahaha...