Custom Search

Thursday, August 5, 2010

TexT ni XanDeR

'Yon ang unang pagkakataong nasabi kong mahal ko si Xander. Hindi nya sukat-akalaing totohanan ang sa akin. Buti na nga lang at nandun din si Fatima nung mga araw na 'yon. Ganun pa man, may kabiguan ang aking nararamdaman.

"Kailangan kong ilihis ang aking nararamdaman sa mga bagay na mas kinakailangan ang panahon at atensyon ko," pakonswelo de bobo ko sa aking sarili.

Hanggang ligaw-tingin, halik sa hangin na lang ako - pasulyap-sulyap na lang sa maamong mukha ni Xander at naghahangad na mahalin siya.

"Ang bobo ko," sabay sapok sa aking noo. "Buti na lang umiba bigla ang usapan. Punyeta! Nakakahiya."

Hindi ko na muna pinansin ang aking damdamin sa takot na masaktan. Pilit kong ibinaon sa limot ang lahat ng nasabi ko kay Xander noong araw na 'yon. Parang nakaka-ilang. Nakakahiya. Pilit man itong pumiglas, dapat itong supilin.

Papatapos na ang semester at mas naging malapit kaming tatlo sa isa't-isa. Hindi maiiwasang magtampuha't mag-away. Nakakatuwang isipin, parang mga batang nasa elementarya lang kami 'pag kami ay nagtatampuhan. Ang mas maganda lang, mas nikikilala namin ang aming mga sarili at hindi namin hinahayaang matapos ang araw na hindi nagkakabati. Kung nagkakaroon ng problema, palagi kaming nagtutulong-tulong upang malutas ang aming suliranin.

"Finals na sa susunod na linggo," bakat sa mukha ni Fatima ang pag-aalala sabay kamot sa kanyang ulo.
"Oh, ba't kamot-ulo ka? May problema ba?" pangiting tanong ni Xander kay Fatima.
"Naku, nag-aalala 'yan dahil finals na eh hanggan ngayon eh 'di pa din niya natatapos 'yung term paper niya sa Pol Sci," ang tanging naisagot ko.
"Ah ganun ba? Naku madali lang 'yon. Andito naman kami ah, di ba Mico?" akbay sa aking balikat.
"Ah, eh, oo naman Fatima. Tutulungan ka namin," mangaligkig kong sagot.
"Salamat ha. 'Yaan n'yo, ili-libre ko na lang kayo ng isang galong sorbetes. Ok na ba 'yon?" nakayuko pa din si Fatima, kamot-ulo ang loka.
"Oh siya, kita na lang tayo mamaya sa apartment. Fatima, yung sorbetes ha?"

Tumakbo si Fatima pauwi sa bahay nila para kunin ang kanyang mga gamit. At siguro, para bumili na rin ng sorbetes na ipinangako niya.

"Oh tara na buddy, sabay ka na sa akin sa apartment," sabay ngiti't pisil sa aking pisngi.
"Shit! Ba't nya ginawa 'yon?!" napaisip ako. "Wala akong dalang damit pangtulog eh. Uwi na muna ako sa amin para makapagpaalam na din ako kay nanay."
"Ah ganun ba? Oh siya, sige buddy, ingat ka. Hatid na kita?"
"Ay naku buddy, huwag na. Baka makita mo pa ang bahay namin na parang tirahan ng kuwago."
"Ikaw ang bahala. Ingat ka buddy!"
"Sige. Kita na lang tayo sa inyo. Text kita 'pag papunta na ako."

Mag-isa akong naglakad pauwi noong hapong iyon. Naging malaking palaisipan para sa akin ang ginawang pagkurot ni Xander sa aking pisngi. O baka naman malisyoso lang talaga ako. Bahala na.

"Nay, andito na po 'ko." papasok na ako ng bahay ng biglang tumunog ang celfon ko.

"Ingat ka buddy ha? Mahal din kita!" text ni Xander.


itutuloy...

Wednesday, August 4, 2010

mAhaL ka ni FaTimA

"Uy Xander," sabay ngiti habang si Fatima tili ng tili't kurot sa aking braso.
"Di ba kaklase kita sa Physics?"
"Ay oo. Ba't mo naman naitanong?"
"I love you Xander!" singit naman nang lokang si Fatima.

Napangiti ang mokong.

"Ay, nga pala, si Fatima, bestfriend ko."
"Hello Fatima. Nice meeting you," magalang si Xander.
"I love you too Xander," sagot ng ilusyonadang si Fatima.
"Nakakatuwa naman ang kaibigan mo."
"Naku! Pagpasensyahan mo na ang isang 'yan. Wala lang talagang magawa."

Katahimikan.

"Ay, ano nga pala sadya mo?" para ibahin ang usapan.
"Ay oo. Yung tungkol dun sa sinabi ng titser natin sa Physics," napa-isip.
"Na?"

"Pupwede ba kitang makapartner?"

"Ha?"
natameme ako't lumakas lalo ang kabog ng aking dibdib. "Papunta nga sana kami ni Fatima sa registrar para pachange ng iskedyul. Conflict kasi yun sa major ko."
"Uy h'wag naman. Kasi..." kamot-ulo si Xander.

Ikalawang linggo pa lang ng pasukan noon. Kinailangan kong palitan ang iskedyul ng Physics subject ko dahil baka ma-extend na naman ako ng isang taon. Mahirap maghanap ng pera lalo na't hindi kami mayaman.

"Kasi parang ikaw lang yung mapagkakatiwalaan ko sa mga kaklase natin eh."

Bang! Hindi ko mawari kung ano ang dapat kong damdamin - kung kikiligin ba ako or dapat magtaka. Sa dinami dami ba naman ng tao sa unibersidad, ba't ako pa?

Doon nag-umpisa ang pagiging malapit na kaibigan namin ni Xander. Lumago ang pagkakaibigan namin. Halos araw-araw kaming nagkakasamang tatlo nina Xander at Fatima. Sabay kaming kumain. At kung sino man ang nahuhuli, kinakailangang antayin. Paminsan-minsan nga eh doon na din kami nagpapalipas ng gabi sa apartment ni Xander. Habang nag-aaral eh itong si Fatima, eto namang si Xander ay walang sawang kinikiliti ako. Nakakataba ng puso kung iisipin. Masarap sa pakiramdam. Yung parang iyong-iyo siya, wala kang kaagaw sa atensyon at oras. Magaan sa loob ko ang makitang nakangiti ang isang katulad ni Xander. Ganoon pa man, may pag-aalinglangan ang puso sa pagkakaibigang ito. Unti-unting kinakain ang pagkakaibigang aking nakasanayan at dahan-dahang napapalitan ng pagmamahal. Kahit anong pilit pigilan, lalong pumipiglas ang aking nararamdaman. Lalaki ako. Lalaki si Xander. Boom! Realidad. Bumabalik sa aking isipan ang mga salitang BAWAL at MAKASALANAN - suliranin ng isang kagaya ko. Huminto ang mundo.

Pauwi na kaming tatlo noon - si Fatima, ako, at si Xander - nang biglang

"Uy napano ka?!" takot na tanong ni Fatima
"Alam ba nilang bakla ako?" napa-isip ako't nakatulala. "Matatanggap kaya ako nina ama't ina, ni Fatima? Paano 'pag malaman ni Xander? Maiinis pa siya? Iiwas? O magiging masaya kasi naging totoo ako sa aking sarili?" isa-isang pumapasok ang mga ganyang bagay sa aking isipan.
"Hoy buddy! Ang lalim ng iniisip natin ah." Kutya ni Xander.
"Hoy! Emotera ka talaga! Baka madapa ka n'yan ha," patawang sinabi ni Fatima.
"Ha? Eh. Wala 'to. May iniisip lang."
"Ano 'yon buddy?"
"Mahal kita."
"Mahal ka namin ni Fatima, buddy!"

Punyeta! Bigo!

itutuloy...